Kung nabasa nyo na kahit ang isa sa mga librong ABNKKBSNPLAko?!,Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?, Ang Paboritong Libro ni Hudas, Alamat ng Gubat, at Stainless Longganisa, malamang pamilyar na kayo sa Pilipinong manunulat na si Roberto “Bob” Ong. Nagsimula bilang isang web developer ng website na Bobong Pinoy, nakamit ni Bob Ong ang kasikatan matapos manalo ang site bilang People’s Choice on Philippine Web Awards for Weird/Humor noong 1998. Ngunit hindi tulad ng ibang manunulat, mas pinili ni Bob Ong na itago sa publiko ang sarili niyang identidad – walang larawan, panayam sa telebsiyon, o book launchings man lang. Naging isang misteryo ang katauhan siya sa mundo ng mga mapagtanong na tao. Naging kilala si Bob Ong sa hindi papapakilala; sa kanyang kakaibang pamamaraan ng pagsusulat.
Maraming haka-haka tungkol sa tunay na pagkatao ni Bob Ong. Minsan, nabalita na siya talaga si Paolo Manalo, isang makata at propesor ng literatura sa Unibersidad ng Pilipinas. Nang tanungin ukol dito, natawa na lamang ang propesor at itinaggi ang nakalat na balita. Para sa isang sikat na awtor, bakit nga ba may urge ang mga mambabasa na malaman kung sino talaga si Bob Ong? Mayroon bang kabutihang maidudulot ng pagpapakilala ng isang sikat na manunulat? Ating tingnan ang estilo sa pagsusulat ng awtor na si Bob Ong, at subukang hanapan ang mga tanong na ito ng kasagutan.
Sa unang limang librong naisulat ni Bob Ong, kapansin-pansin ang kakaiba niyang estilo sa pagsusulat. Sabi nga ng mga tao, napaka-“Pilipino” ng paggamit niya sa mga salita at napaka-“totoo.” Kaya naman hindi na katakatakang patok sa panlasa ng masa ang kanyang mga naiakda. Pinakitaan nya tayo ng kakaibang pagpapatawa at kakaibang paraan ng pag-iisip. Naging popular si Bob Ong sa kakayahan niyang maisulat ng mabisa ang mga ordinaryong pangyayari sa pang-araw-araw na daloy buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Pero bakit nga ba tayo natatawa sa sarili nating pagkatao bilang Pilipino? Nangangahulugan ba ang ating pagtawa ng pagtakwil natin sa ating mga sarili bilang Pilipino?
Ayon kay Rolando Tolentino, gaya ng pagtawa natin sa mga green jokes, natatawa tayo dahil repressed tayo. Nabibigyan tayo ng pagkakataong magtawa sa sarili nating kultura – walang pag-aalinlangan, “confident laughter” nga kumbaga kay Tolentino. Sa takot na mangahulugan ang pagtawa sa ating kultura bilang pagtakwil natin sa ating identidad bilang mga Pilipino, nagtatawa tayo sa mga ganitong libro dahil may tamang pagkakataon.
Ngunit hindi lamang puro tungkol sa pagpapatawa ang paraan ng pagsusulat ni Bob Ong. Ginulat niya ang kanyang mga tagasubaybay sa paglabas ng kanyang ika-anim na libro, ang Macarthur. Mas seryoso ang mga isyung tinatalakay ng librong ito — mas madugo, maaksyon, madrama. Nakakapanibago kung nakasanayan mo na ang kanyang estilo ng mga una niyang naisulat — mas litaw ang mga ginintuang aral dito, mas may kahulugan.
Umikot ang takbo ng kwento sa buhay ng apat na magkakaibigang lalaking nakikidigma sa problema ng kahirapan. Sa nobelang ito napalitaw ni Bob Ong ang pagkilos ng siyudad bilang “crazy planets.” Literal na binaliw ng kahirapan ang mga tauhan — aksidenteng napatay ni Cyrus ang pinakamamahal niyang amain dahil sa epekto ng ipinagbabawal na gamot, at walang-awang pinatay si Voltron dahil sa pagkakasangkot sa isang sindikato sa paghahangad na kumita ng pera. Malungkot at masaklap na trahedya ang naging katapusan.
Kung mapapansin, nagsusulat si Bob Ong ng mga bagay na mahirap intindihin para sa mga elit. Sa ganitong paraan ng pagsusulat, nakakalikha siya ng isang tahimik at temporaryong pagbabago sa lipunan. Para bang tumataas ang tingin ng masa sa kanilang sarili dahil alam nilang sila lamang ang may kakayahang umintindi ng mga naisusulat ni Bob Ong. Kung hindi ka galing sa pampublikong paaralan, maiintindihan mo ba talaga kung ano ang mga kalokohang kanyang mga tinatalakay sa librong ABNKKBSNPLAko?! Magaling si Bob Ong para sa masa dahil nakikita nila ang kanilang mundong ginagalawan sa pagbabasa lamang ng libro. Nostalgic nga, sabi nila. Ngunit sa bandang huli, pagbalik nila sa realidad, mahirap pa rin sila, at elite pa rin ang mga elite; isa itong malungkot na katotohanan.
Ngayong mayroon na tayong kaunting kaalaman sa paraan ng pagsusulat ni Bob Ong, mabalik tayo sa unang tanong na pinilit nating hanapin ng kasagutan. Kinakailangan ba talagang malaman natin ang tunay na identidad ng awtor? Sa aking palagay, hindi na ito kinakailangan. Bakit ang awtor ng mga text messages at mga jokes na kumakalat gamit ang bagong anyo ng media, hindi na natin tinatangkang alamin ang katauhan?Ayon mismo kay Bob Ong, ayaw niyang magpakilala dahil sa hindi niya kayang magbayad ng hinihinging kapalit ng kasikatan. Gusto niyang magpatuloy mamuhay at magsulat bilang isang ordinaryong Filipino. Ang suhestiyon niyang ito mismo ang nagsasaad ng masaklap na realidad – may kapalit ang lahat. Kaya sa aking palagay, nararapat lamang na irespeto na lang ang kanyang desisyong manatili bilang isang misteryosong manunulat ng makabagong panitikang Pilipino.

No comments:
Post a Comment